MANILA, Philippines - Nawawala si Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo at dalawang piloto habang isinusulat ito makaraang aksidenteng bumagsak ang sinasakyan nilang light plane na isang piper seneca sa karagatan ng Masbate City kahapon ng hapon.
Sa inisyal na impormasyon, sinabi ni Col. Generoso Bolina, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines-Southern Luzon Command, na bandang alas-4:30 ng hapon nang magdistress call ang mga piloto ng eroplano bago nangyari ang trahedya sa bahagi ng kara- gatan ng Masbate City.
Ayon kay Bolina, bukod kay Robredo, lulan rin ng nasabing eroplano ang dala- wang piloto at aide de camp nitong si Jun Abrasado na nagtamo ng matinding mga sugat sa kaniyang katawan. Nasagip si Abrasado ng mga nagrespondeng elemento ng Philippine Coast Guard, Philippine Navy, Philippine Army at lokal na pulisya.
Patuloy pa ring hinahanap ang kalihim at dalawang piloto na medyo may kahirapan na ayon sa opisyal dahilan binabalot na ng dilim ang buong kapaligiran.
Gayunman, may report sa dzRH na nasagip si Robredo ng mga mangingisda sa nasabing lugar bagaman hindi pa ito makumpirma.
Nabatid na si Robredo ay galing Cebu City na dumalo sa isang national summit at patungong Naga City. Magsasagawa sana ng emergency landing ang erolano sa Masbate matapos na magkaroon ng aberya ang makina pero malapit na sa paliparan ng Masbate City ay hindi ito umabot at tuluyang bumulusok sa dagat.
Ang eroplano ay umalis sa Cebu City dakong alas-3 ng hapon at patungong Naga kaugnay ng political meeting na dadaluhan ng kalihim sa lugar. (May ulat nina Butch Quejada at Malou Escudero)