Mga bus kakabitan ng speed limiter
MANILA, Philippines - Dahil sa malalagim na aksidenteng kinasasangkutan ng mga bus, isinusulong na sa Kamara na lagyan ng speed limiter ang mga bus upang hindi na maging kaskasero ang mga bus drivers.
Sa House Bill 6395 na inihain nina Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez at Abante Mindanao Rep. Maximo Rodriguez Jr., binigyang din ng dalawa na epektibo itong paraan para mapigilan ang mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga bus.
Ilalagay umano ang speed limiter sa makina at transmission ng mga bus para hanggang 40 kilometers per hour na lamang ang takbo ng mga bus na bumibiyahe sa Metro Manila at 60 kilometers per hour naman para sa mga bumibiyahe sa mga probinsiya.
Kailangan na umanong gawin itong mandatory dahil sa tala ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ay umaabot na sa 395 ang biktima ng bus accidents noong 2011.
Nakasaad sa panukala nina Rodriguez na hindi mairerehistro o hindi makakapag-renew ng prangkisa ang bus kung wala itong speed limiter.
Ang mandaraya sa speed limiter ay pagmumultahin ng P100,000 at limang taong pagkakakulong habang mapapatawan ng suspensiyon ang bus company ng 30 araw.
- Latest
- Trending