MANILA, Philippines - Nagsuot ng dilaw na arm band ang mga opisyal at empleyado ng Bureau of Immigration na nakatalaga sa mga terminal ng Ninoy Aquino International Airport bilang protesta laban sa posibleng pagsuspinde sa kanilang overtime pay na anila’y iligal.
Sinabi ni Senior immigration officer oup Lawyer Floro Balato Jr., tagapagsalita ng grupo na nagsusuot sila ng dilaw na arm band para tutulan ang kautusan nina Finance Sec. Cesar Purisima at DOTC Sec. Mar Roxas na nagpapahinto sa mga international airlines sa pagbabayad ng overtime sa Customs, Immigration and Quarantine (CIQ).
Sinasabi ng gobyerno na ang pagpapasagot sa mga airline companies sa overtime ng mga empleyado ng CIQ ay sagka sa industriya ng turismo kaya inirekomenda na ang gobyerno ang dapat magbayad ng OT ng mga ito.
Ipinaliwanag ni Balato na ang pagkolekta ng overtime pay ay pinapayagan sa ilalim ng batas at batay ito sa Section 7-A o CA 613 o Philippine Immigration Act.
Nabatid na mula pa noong taong 1950 hanggang sa kasalukuyan, nakagawian nang pagbayarin ang mga airline at shipping companies ng overtime pay ng mga tauhan ng Immigration.
Dahil iniiskedyul ng airline company ang kanilang mga biyahe, naging regular nang tungkulin ng mga tauhan ng Immigration na hintayin ang bawat “arrival” na nakaiskedyul nang lagpas sa kanilang karaniwang walong oras na pagtatrabaho.