'Helen' sumibat na
MANILA, Philippines - Tuluyan nang nilisan ng bagyong Helen ang ating bansa, makaraang lumabas na ito sa Philippine Area of Reponsibility (PAR) kahapon.
Ayon kay Pagasa weather forecaster Aldczar Aurelio, inalis na rin ng kagawaran ang lahat ng public storm warning signal na nakataas sa mga lalawigan sa Region 1 at 2.
Aniya, nasa West Philippine Sea ang bagyo at tinutumbok nito ang China.
Dagdag pa ni Aurelio, bagaman hindi na direktang nakakaapekto ngayon sa bansa ang bagyo ay inaasahan na paiigtingin pa rin nito ang Hanging Habagat sa bansa na magdadala pa rin ng katamtaman hanggang sa malakas na ulan sa Luzon at kanlurang Visayas.
Asahan naman sa mga darating na araw na patuloy na gaganda ang lagay ng panahon dahil wala pang namamataang weather disturbance sa paligid ng PAR.
- Latest
- Trending