Kurtina, kama ng cottages ng Comelec overpriced
MANILA, Philippines - Nabunyag sa pagdinig kahapon sa Senado na overpriced ang mga biniling kama at kurtina ng Commission on Elections para sa mga cottages nila sa Baguio City.
Ibinunyag ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa budget hearing ng Comelec na masyadong mahal ang presyo ng mga gamit sa bahay bakasyunan ng komisyon sa Baguio City.
Ayon kay Cayetano, kabilang sa mga binili ng Comelec ang pitong king-sized na kama na umaabot sa P91,000 bawat isa; 17 queen-sized beds na umaabot sa P84,000 bawat isa; at mga kurtina na halos P700,000.
Ang mga nasabing kagamitan ay binili umano noong 2011.
Ipinagtataka ni Cayetano kung bakit pinapalabas ng Comelec na kulang sila sa budget gayong nakagastos ng napakalaking halaga sa mga nabanggit na gamit sa mga cottages.
Sinabi ni Cayetano dalawa ang isyu na dapat sagutin ng Comelec, ang isyu ng overpriced at ang extravagance o luho.
Ayon naman kay Comelec Chairman Sixto Brillantes na “authentic” o totoo ang mga dokumento ng pagbili ng mga kama at kurtina at otorisado ito ng Comelec administrative director.
- Latest
- Trending