Puslit na surplus cars, spare parts naharang
MANILA, Philippines - Apat na surplus na sasakyan at mga spare parts nito na nagmula sa bansang Japan at hinihinalang pinuslit ang nasakote ng mga tauhan ni Bureau of Custom (BoC) Commissioner Ruffy Biazon sa Port of Manila.
Ayon kay Biazon, ang naturang mga sasakyan ay nakalagay sa isang 40-footer container van, na kargamentong pag-aari ng Loadstar Commercial Corp. na ang opisina ay matatagpuan sa #35L Banawe St., Quezon City.
Bukod sa mga used car, narekober din dito ang mga spare parts tulad ng mga segunda manong gulong, mags, body parts ng mga truck at engine.
Nang magsagawa ng beripikasyon ang Task Force React sa nasabing kontrabando ay walang maipakitang dokumento hinggil dito kaya idineklara itong smuggle na paglabag sa Section 2530 ng Revised Tariff and Customs Laws of the Philippines.
Sinabi ni Biazon na ang nasabing mga kargamento ay nagmula sa Hakata Port, Japan at idineklara itong used auto, truck replacement parts at engines.
Sinabi pa ng naturang BoC chief, na ibayong operasyon at pagdakip ang isinagawa ng Task Force React laban sa mga smuggler upang ang buwis na makokolekta ay mapunta sa kaban ng pamahalaan at hindi sa iilang indibidwal na sangkot sa katiwalian.
- Latest
- Trending