'Solvent boys' dumarami
MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan ng isang mambabatas sa Kamara ang dumaraming bilang ng “solvent boys” na sangkot sa mga krimen sa pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Sa House Resolution 2535 na inihain ni Las Piñas Rep. Mark Villar, hinikayat nito ang House Committee on Public Order and Security na ipatawag ang lahat ng ahensya ng gobyerno upang gumawa ng hakbang para matugunan ang nasabing isyu.
Giit ni Villar dapat na kumilos na ang gobyerno upang masolusyunan ang lumalalang kaso ng drug addiction at upang maregulate na rin ang paggamit ng mga addictive substance.
Hinikayat din ng mambabatas ang Kongreso na magpasa ng batas na magpaparusa sa mga nagbebenta ng illegal na solvent at iba pang katulad nito sa mga kabataan.
Bukod sa solvent kabilang umano sa mga dangerous substances ang rugby dahil sa sandaling masinghot ito ay direkta itong dadaloy sa dugo patungo sa utak na siyang nakakasira naman sa nervous system ng isang tao.
Ang pagdami umano ng bilang ng solvent boys ay nagreresulta sa mataas na bilang ng krimen kung saan isang halimbawa umano dito ang “Hamog boys” sa kahabaan ng Edsa Guadalupe at iba pang pangunahing lansangan sa Metro Manila na nag-aabang ng mga motorista na kanilang mabibiktima.
- Latest
- Trending