Rolito Go nawawala
MANILA, Philippines - Nawawala ang convicted criminal na si Rolito Go na sinasabing dinukot sa loob ng National Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City, kamakalawa ng gabi.
Kinumpirma ni NBP chief, Supt. Richard Schwarzkopf ang pagkawala ni Go makaraang hindi ito sumipot sa regular na headcount dakong alas-10 kamakalawa ng gabi sa “minimum security compound”.
Maging ang pamangkin na nagsisilbing personal nurse ni Go na si Clemence Yu sa loob ng Bilibid ay nawawala rin.
Ayon kay Schwarzkopf, huling nakita si Go sa Ina ng Awa Church kung saan ito regular na pumupunta dahil doon nililinis at inaayos ng kaniyang nurse na si Clemence ang kanyang sugat.
Si Go ay isang living out inmate kaya hindi mahigpit sa kanya bukod pa sa pagiging church worker sa nabanggit na simbahan.
Nabatid na binisita umano si Go ni Yu kamakalawa ngunit hindi na ito nakabalik hanggang kahapon ng umaga.
Ayon sa mga kaanak ni Go, may tumawag na umano sa kanila na nanghihingi ng P1 milyong ransom kapalit ng kalayaan nina Go at Yu.
Sa kabila nito, sinabi ni Schwarzkopf na itinuturing pa rin nilang “escapee” si Go hanggang bineberipika pa nila ang ulat ng pagdukot dito habang nasa loob ng NBP.
Kaugnay nito, sinibak na ni NBP director Gaudencio Pangilinan ang jail warden ng NBP minimum security compound na si Senior Jail Officer Gabriel Magat at ang personal prison guard ni Rolito Go na si Serafin Geronimo.
Ito’y habang isinasailalim pa sa imbestigasyon sa pagkawala ni Go sa naturang compound.
Kanila na ring bineberipika sa mga ospital sa Metro Manila ang posibleng kinaroroonan ni Go na sumasailalim sa chemotherapy dahil sa umano’y colon cancer.
Si Go ay nakadetine sa NBP sa loob ng 19 na taon matapos hatulan ng habambuhay na pagkabilanggo nang barilin at mapatay ang engineering student ng De La Salle University student na si Eldon Maguan noong Hulyo 2, 1991 sa San Juan City dahil lang sa away trapiko.
Sinabi ni Schwarzkopf na nakatakdang lumaya na si Go sa susunod na taon.
Inutos na rin kahapon ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome ang malawakang manhunt kay Go.
Palaisipan naman sa mga awtoridad kung nakatakas, may nagpatakas o paniniwalaan ang kaduda-dudang teorya umano ng pagkidnap kay Go sa nasabing piitan.
Inatasan na rin ni Pangulong Aquino si Justice Sec. Leila de Lima na imbestigahan ang sinasabing pagkawala ni Go. (May ulat ni Rudy Andal)
- Latest
- Trending