MANILA, Philippines - Dapat umanong maghinay-hinay sa mga pananalitang bibitawan sa publiko si Pangulong Aquino at kaniyang mga Gabinete matapos sabihin umano ni PNoy na ‘pasasabugin’ nila kung kinakailangan ang lahat ng mga nakatira at humaharang sa daluyan ng tubig sa Metro Manila kapag hindi sila umalis sa deadline na ibinigay ng gobyerno.
Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, hindi maganda para sa isang Pangulo na magbitiw ng mga ganitong salita, na tila ba aniya, galing sa isang digmaan o giyera sa bansang Syria.
Iginiit din ng arsobispo na dapat linawin ng Pangulo at mga kaalyado nito kung saan nila ililipat ang mga taong nakatira sa mga tabi ng ilog, mga estero at mga kanal.
Binigyang-diin pa ng arsobispo na kawalan ng konsensiya kung basta-basta na lamang ‘itatapon’ ng pamahalaan kung saan-saang relocation site, na binabaha din naman, ang mga taong kanilang ire-relocate.
Nagbabala ang arsobispo na maaaring pagmulan ng malaking gulo kapag iginiit ni PNoy na alisin ang mga nakatira malapit sa mga daluyan ng tubig na walang maayos na paglilipatan sa kanila.
Una rito, sinabi umano ni DPWH Secretary Rogelio Singson na nagbigay ng kautusan ang Pangulo na alisin ang mga tahanan na illegal na itinayo sa mga daanang-tubig at pasabugin ang mga ito kung kinakailangan, bilang bahagi ng pagsusumikap ng pamahalaan na masolusyunan ang mga problema sa baha sa bansa.
Ani Singson, may 125,000 pamilya na naninirahan sa Metro Manila waterways habang nasa 60,000 hanggang 70,000 pamilya naman sa Laguna Lake.
Ayon naman kay Kabataan party list Rep. Raymond Palatino, sa pahayag ni Singson ay ipinakita na naman ng gobyernong Aquino ang pagiging manhid sa kalagayan ng mahihirap.
Dapat anyang intindihin ng pamahalaan na ang problema sa informal settlers ay hindi kasing simple lang ng pagpapasabog sa bahay ng mga ito para mawalis sila sa danger areas.
Kung nais umano ng tunay na solusyon sa ganitong problema, kailangang magpatupad ang pamahalaan ng mga programang lulutas sa kahirapan sa kanayunan upang hindi dumagsa ang mga taga probinsiya dito sa Metro Manila.