Manila, Philippines - Ipinaalam kamakailan ng BDO Unibank, Inc. (BDO) ang balak nitong magbuo ng isang USD 2-bilyong Euro Medium Term Note (EMTN) na programa at magretiro ng P10 bilyong Tier 2 debt sa pagsapit ng Nobyembre ng taong kasalukuyan. Ang mga hakbang na ito ay bahagi ng liability management initiatives ng bangko para makakuha ng funding sources na may mas mahahabang termino at mas mabababang funding costs.
Ang programa ay isang medium-term foreign currency funding facility na nagbibigay ng flexibility o kakayanan sa BDO para makapag-issue ng foreign currency denominated notes sa international capital markets. Ang pagtatayo ng EMTN program ay bilang paghahanda ng BDO para mapaganda ang abilidad nito para makakuha ng longer-term funding para sa kanyang pagpapautang para sa mga proyektong pang-imprastraktura sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) program ng gobyerno.
Plano rin ng BDO na magsagawa ng early redemption option sa kanyang Series 1 Tier 2 Notes sa pagdating ng ika-21 ng Nobyembre, 2012. Bahagi ng proceeds mula sa recent stock rights offer ng BDO ay nailaan na para sa redemption ng nasabing higher-cost Notes na mayroong coupon rate na pitong porsiyento.