8 nominado sa pagka-CJ: De Lima talsik sa JBC shortlist
Manila, Philippines - Talsik sa Judicial and Bar Council shortlist si Justice Secretary Leila de Lima makaraang hindi maisama ang kanyang pangalan sa listahan ng walong nominado na maaaring pagpilian ng Pangulong Noynoy Aquino para sa puwesto ng bagong Supreme Court Chief Justice.
Sa ginanap na botohan ng JBC, kabilang sa mga pumasok sa shortlist ay sina SC Associate Justices Roberto A. Abad; Associate Justice Arturo D. Brion; Acting Chief Justice Antonio T. Carpio; Solicitor-General Francis H. Jardeleza; SC Associate Justice Maria Lourdes A. Sereno; dating Executive Secretary Ronaldo B. Zamora; Law Professor Soledad Cagampang-De Castro at si dating Ateneo Law Dean Cesar Villanueva
Paliwanag ni Iloilo Congressman Niel Tupas Jr, ang hindi pagkakasali ni De Lima sa shortlist ay bunsod ng kinakaharap na mga kaso ng disbarment sa Integrated Bar of the Philippines (IBP).
Una rito, sinasabing kailangan ang unanimous vote ng mga miyembro ng JBC para mabasura ang nakabinbing “priveleged motion” na kumikuwestyon sa integridad ng ilan sa mga nominado sa bakanteng puwesto ng chief justice.
Batay sa itinatakda ng Constitution, binibigyan ng 90 araw ang Pangulo upang magtalaga ng Chief Justice.
Dismayado naman si De Lima sa naging resulta ng botohan at deliberasyon ng JBC.
Sinabi ng kalihim, hihingi siya ng paliwanag kung bakit siya ay na-single out sa naturang botohan.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng Malakanyang na makakapili ang Pangulong Benigno Aquino III ng susunod na chief justice bago sumapit ang Agosto 27.
Mula sa 20 kandidato ay 8 lamang ang nasa shortlist na isusumite ng JBC sa Pangulo upang doon ay pumili siya ng magiging punong mahistrado.
- Latest
- Trending