Walang Pinoy casualty sa 2 lindol sa Iran - DFA

MANILA, Philippines - Walang Pinoy na nadamay sa 6.4 at 6.3 magnitude na lindol sa northwestern Iran na ikinasawi ng mahigit 200 katao at ikinasugat ng halos 2,000 iba pa kamakalawa.

Sinabi ni Foreign Affairs spokesman Raul Hernandez, nananatiling nasa ligtas na kalagayan ang may 1,000 Pinoy na nasa kabisera ng Iran matapos ang nasabing magkasunod na lindol at tuluy-tuloy na aftershocks.

Handa naman aniya ang Embahada na tulungan ang mga Pinoy kung meron man naapektuhan sa lindol.

Base sa report ng United States Geological Survey, ang epicenter ng 6.4 magnitude na lindol ay naitala sa layong 48 kilometro na may lalim na 98 kilometro sa hilagang-silangan ng Tabriz City noong Sabado at matapos ang 11 minuto ay sinundan ng 6.3 magnitude na may sukat na 49 kilometro sa northeast ng Tabriz. 

Bunsod sa magkasunod na lindol, nawasak at naputol ang mga linya ng kuryente at komunikasyon sa may anim na villages at 60 pang lugar. May 40 aftershocks ang naitala kahapon kasunod ng dalawang malakas na pagyanig.

Sa kasaysayan, may 26,000 katao ang nasawi noong 2003 nang tamaan sila ng 6.6 magnitude na lindol sa Bam.

Bukod sa Japan, ang Iran ay nasa seismic fault line din na dahilan ng madalas na paglindol sa nasabing mga bansa.

 

Show comments