Dedo sa habagat, 85 na!
MANILA, Philippines - Pumalo na sa 85 ang bilang ng mga nasawi sa matinding pagbuhos ng ulan dulot ng hagupit ng habagat noong nakaraang linggo.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sa kabuuang bilang ng mga nasawi, 62 dito ay sanhi ng pagkalunod, habang 12 ay dahilan ng pagguho ng lupa o landslides.
Sampu katao naman ang sugatan, habang walo katao pa rin ang nawawala at pinaghahanap hanggang sa kasalukuyan.
Ayon pa sa NDRRMC, dalawa sa mga namatay ay tinamaan ng kidlat noong Biyernes sa karagatan ng Sto. Tomas, La Union, lulan ng isang bangka habang papauwi na.
Tatlo naman ang mga namatay matapos makuryente, tatlo ang inatake sa puso, dalawa ang nabagsakan ng mga puno at ang isang biktima ay hindi agad nalaman ang sanhi ng kanyang pagkamatay.
Umabot naman sa 679,057 pamilya o 3,067,500 katao sa 2,306 na mga barangay sa 167 na lungsod at 36 mga siyudad sa 16 na probinsiya ang naapektuhan ng malawakang pagbaha.
Samantala, P585 million ang halaga ng nasirang imprastraktura, habang may P19 milyon naman ang halaga ng nasira sa agrikultura.
- Latest
- Trending