MANILA, Philippines - Niyanig ng tatlong magkakasunod na pagsabog ang dalawang lalawigan ng Central Mindanao na hinihinalang kagagawan ng mga rebeldeng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) kamakalawa ng gabi, ayon sa opisyal kahapon.
Ayon kay Col. Prudencio Asto, hepe ng Public Affairs Office ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, dakong alas-7:50 ng gabi nang maitala ang unang pagsabog matapos sumambulat ang Improvised Explosive Device (IED) na itinanim sa poste ng kuryente sa Crossing ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Ang IED ay ikinabit ng mga rebeldeng BIFF sa poste ng kuryente ng Maguindanao Electric Cooperative (MAGELCO) na ikinagulantang ng mga residenteng naninirahan sa lugar.
Bandang alas-8:15 naman ng gabi nang magpaulan ng M203 grenade launcher ang BIFF rebels na tumama sa isang internest shop sa kahabaan ng Quezon Avenue sa bayan ng Kabacan, North Cotabato.
Nasundan ito ng pagsabog naman ng isa pang IED na itinanim sa isang drainage canal sa hangganan ng Brgy. Poblacion at Brgy. Dungguan, M’lang, North Cotabato dakong alas-8:30 naman ng gabi. Wala namang iniulat na nasugatan at nasawi sa naturang mga insidente ng pagpapasabog.
Nitong nakaraang linggo ay nasangkot rin ang grupo ng BIFF ni Commander Ameril Umbra Kato sa pamumutol ng mga poste ng kuryente gamit ang mga ‘chainsaw’ o malalaking lagare na nagresulta sa naranasang blackout sa 11 bayan sa Maguindanao.
Samantalang bukod dito ay minasaker rin ng BIFF ang tatlong sundalo at dalawang sibilyan na hinarang ng mga ito sa Cotabato highway habang patuloy rin ang mga pagatake sa mga detachment ng militar.