19 patay, 61 sugatan sa bakbakan

MANILA, Philippines - Umaabot na sa 19 ang nasawi habang 61 naman ang nasugatan sa serye ng bakbakan ng tropa ng militar at ng mga rebeldeng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Central Min­danao partikular na sa lalawigan ng Maguindanao, ayon sa opisyal kahapon.

Kinumpirma ni 6th Infantry Division (ID) Public Affairs Office Chief Col. Prudencio Asto ng Philippine Army sa isang pa­nayam sa telepono na apat ang nasawi sa panig ng tropa ng Philippine Army at 11 naman ang naitalang sugatan.

Kinilala ang namatay na mga sundalo na sina  Sgt. Allan Miraflores, Pfc. Henry Caunga, Pvt. Dunhil Aragon at Pfc. Arsenio Nu­nescan habang nasugatan naman sina 1Lt. John Dave Aguilar, Cpl. Rommel Mantos, Pfc. Mar Batanas, 1Lt. Dimaluan, Cpl. Luis, Pfc Capilitan, Pfc. Idul, Pfc. Payoyo, Pfc. Primeva at dalawang iba pa.

Sa panig ng grupo ni BIFF Commander Ameril Umbra Kato, ang breakaway group ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF), 15 ang bangkay na narekober ng militar sa patuloy na clearing operations.

“Maraming nasawi sa kanila, kinanyon sila ng mga sundalo , 15 bangkay (ng mga rebelde) ang nakuha sa aming clearing operation at mahigit 5 kaaway ang sugatan,” sabi ni Asto.

Sinabi ni Asto na may mga ulat rin na higit pa sa 15 ang nasawi sa panig ng BIFF pero isinasailalim pa ito ng kanilang mga intelligence asset sa masusing beripikasyon.

Nagsimula ang bakbakan noong Lunes matapos maglunsad ng pag-atake ang BIFF sa limang detachment at dalawang brigade headquarters ng Philippine Army sa Maguindanao at dalawang kanugnog nitong bayan sa North Cotabato. Nasundan ito ng manakanakang sagupaan nitong mga sumunod na araw hanggang Huwebes bukod pa sa pagpapasabog na naman kamakalawa ng gabi ng naturang mga rebelde.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi naman ni Maguindanao Governor Esmael ”Toto” Mangudadatu na may bahid ng pulitika ang nasabing sagupaan na ang itinuturong may sala ay ang grupo ni Commander Kato na  hindi sang-ayon sa paglagda sa binubuong pinal na kasunduang pangkapa­yapaan ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Bunga ng insidente, daang pamilya naman ang nagsilikas sa takot na maapektuhan sa bakbakan ng tropang gobyerno at ng militar.

Show comments