MANILA, Philippines - Tuluyan nang ibinaba ang State of Calamity sa Caloocan City matapos lagdaan ng mga miyembro ng Sangguniang Panglungsod ang isang resolusyon na nag-aatas kay Mayor Enrico “Recom” Echiverri na gamitin ang calamity fund upang muling isaayos ang mga sinira ng malakas na ulan dulot ng hanging habagat.
Base sa resolution no. 1993 s. 2012 na nilagdaan ng mga miyembro ng Sangguniang Panglungsod, inaatasan nito si Echiverri na gamitin ang calamity fund para sa reliefs, rehabilitation, reconstruction, medical services at iba pa upang ayusin ang mga sinira ng matinding pag-ulan na naranasan sa buong lungsod nitong mga nakaraang araw.
Noong Huwebes (August 9, 2012) nang magpatawag ng special session ang Sangguniang Panglungsod upang maaprubahan ang naturang resolusyon na siyang makatutulong sa lokal na pamahalaan na matulungan ang mga apektadong pamilya.
Sa isinumiteng ulat ng Caloocan City Social Welfare Department (CCSWD), umabot sa 10,489 pamilya ang naapektuhan ng matinding pag-ulan dulot ng hanging habagat sa buong lungsod na dinala sa 56 evacuation centers.