DZRH reporter inatake sa puso habang nagkokober ng kalamidad
MANILA, Philippines - Inatake sa puso ang reporter ng DZRH habang nagkokober sa kasagsagan ng pananalanta ng hanging habagat sa Marikina City kamakalawa.
Si Renato ‘Koyang Rey’ Castillo, 50, DZRH reporter sa lalawigan ng Rizal at eastern part ng Metro Manila ay isinugod ng Marikina Rescue 161 sa Eulogio ‘Amang’ Rodriguez Medical Hospital matapos makaramdam ng paninikip sa dibdib.
Naganap ito dakong ala-1:00 ng madaling-araw noong Huwebes (Hulyo 9) habang nagbibigay ulat hinggil sa unti-unting pag-apaw ng Marikina River, partikular na ang pagtaas ng tubig-baha sa Bgy. Tumana ng lungsod.
Si Castillo, miyembro ng National Press Club (NPC), ay isa lamang sa mga beteranong mamamahayag na hindi inalintana ang panganib sa trabaho makapaghatid balita lamang.
Kasalukuyan pa ring nakaratay ito sa Intensive Care Unit (ICU) ng Eulogio ‘Amang’ Rodriguez Hospital.
Ang kanyang asawa, si Gng. Consorcia ‘Ching’ Castillo ay nananawagan sa sinumang may mabuting kalooban na magbigay tulong para panggastos sa kanilang hospital, bukod pa sa taimtim na panalangin para sa mabilis na ikagagaling ng mister.
Sa sinumang gustong magpadala ng pinansiyal na tulong ay maaring tawagan si Mrs. Ching Castillo sa telepono bilang 0918-7193086; ang National Press Club office (02) 3010521-22 at ang DZRH office (02) 8326210.
- Latest
- Trending