DOH namigay ng gamot vs leptospirosis

MANILA, Philippines - Namahagi ng gamot ang Department of Health (DOH) laban sa sakit na leptospirosis na nakukuha sa baha na kontaminado ng ihi ng daga.

Ayon kay Regional Director Eduardo Janairo, nagpamudmod sila ng mga doxycycline capsules sa lahat ng local government units (LGUs) sa Metro Manila dahil hindi naman mapipigilan ang mga tao na maglunoy sa tubig-baha dahil sa malawakang pagbaha na naganap sa Luzon.

Pinayuhan rin ni Janairo ang pagamutan na kaagad na magbigay ng Rapid Diagnostic Test (RDT) para gamutin ang mga pasyente na may mataas na lagnat.

Paalala na lang nito na kung hindi maiiwasang lumusong sa baha ay magsuot ng protective gears tulad ng bota.

Kung mayroon naman umanong sugat ay mabu­ting umiwas sa paglusong o di kaya’y maghugas na mabuti pagkagaling sa paglulunoy sa tubig ulan.

Naglaan ang DOH ng 11 kahon ng doxycycline capsules sa bawat isa sa 17 LGUs sa Metro Manila.

Bawat kahon ay nag­lalaman ng tig-1,000 kapsula na dosage na 100mg.

Ani Janairo, bawat indibidwal ay dapat bigyan ng isang 100mg doxycycline capsule kada linggo bilang proteksiyon sa leptospirosis.

Dalawang kapsula naman ang ibinibigay sa mga rescuers at sa mga taong direktang lantad sa tubig-baha.

Bukod sa doxycycline, namigay din ang DOH ng paracetamol, amoxicillin, cotrimoxazole, lagundi at iba pang gamot na posibleng kailanganin ng mga pasyente sa mga evacuation centers.

Mayroon ding ipinamigay na mga bota at mga kapote.

Show comments