MANILA, Philippines - Masusing iimbestigahan ng Inter Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang mga umano’y nagsabwatan na mga empleado sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kaugnay sa dalawang OFW na idinaan sa ‘restricted area’ ng tarmac para makasakay sa eroplano ng Cebu Pacific flight patungo ng Bangkok noong June 4, 2011.
Ayon sa impormasyon, dumating sa airport sakay ng Qatar Airways flight QR 468 kahapon ng umaga si Gemmalyn Villafuerte, 31, tubong Tagum, Davao at iniharap sa IACAT para tanungin kung kakilala niya ang mga recruiter at nag-escort sa kanya sa airport para makaalis ng bansa.
Sinabi ni Villafuerte isang Nancy Bernales ang nag-recruit sa kanya para mamasukan sa Lebanon noon April 12, 2011.
Ayon kay Villafuerte, si Benales ay ipinakilala sa kanya ng kanyang kaibigan.
Sa kuwento ni Villafuerte noong June 4 ay sinabihan siyang magpunta sa NAIA terminal 3 kasama ang isang Levie Agusto para mag-check in sa Cebu Pacific flight papuntang Bangkok.
Ang dalawa ay pinaghintay sa pay parking area ng terminal. Matapos makuha ang kanilang boarding pass ay pinasakay sila ng puting van at pinagamit ng pekeng Manila International Airport Authority (MIAA) identification card (ID) at pagkatapos ay nagpunta sila sa tarmac at huminto sa Bay 9 ng paliparan.
“Sa bay 9, kumatok iyong nag-escort sa amin pero walang nagbukas ng boarding gate kaya pumunta kami sa kabilang boarding gate wala pa ring nagbukas hanggang sa boarding gate 12 biglang may nagbukas ng gate at duon kami pumasok tuloy-tuloy sa eroplano,” kuwento ni Villafuerte.
Sabi pa ni Villafuerte, “nag-usap sila, yun nagbukas ng gate at iyong nag-escort sa amin pero bago kami nakapasok sa gate nag-usap muna sila. “pare saan ka graduate, tanong ng nagbukas ng gate sagot ng isa sa Adamson biglang pinapasok kami.”
Binigyan lamang umano sila ng US$10 bilang “baon” kung makaramdam kami ng gutom kapag nasa Bangkok airport na kami.
Sa loob ng 10 months na pagta-trabaho 1 month salary lamang daw ang natanggap niya dahil pinaniwala siya ng kanyang amo na naka-deposito sa bangko ang iba niyang sahod.
Ayon kay Villafuerte noong April 12, 2011 tumakas siya sa kanyang amo at nagpunta sa Philippine Embassy sa Lebanon at umasang matutulungan nila para makuha ang sahod ko.
“Kung alam ko lang na di nila ako matutulungan, sana nag-TNT na lang ako,” sabi ni Villafuerte.