MANILA, Philippines - Binatikos ni Isabela Rep. Rodolfo Albano ang mga kumpanya ng langis dahil sa pagtataas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa kabila ng nararanasang pagbaha ng mga residente ng Metro Manila at mga karatig lalawigan dulot ng Habagat.
Sinabi ng mambabatas na insensitive o walang pakiramdam ang mga kumpanya ng langis dahil itinuloy pa rin ng mga ito ang oil price hike na nagpapakita lamang umano na ang layunin lamang ng oil companies ay kumita ng pera.
Sa halip umano na tumulong sa pamimigay ng relief goods ay nagdagdag pa ang mga oil companies ng pasanin sa publiko at hindi man lamang kinonsidera ang kalamidad na nararanasan ng mga Filipino.
Nilinaw pa ni Albano na dating chairman ng Energy Regulatory Commission (ERC), bagamat ipinagbabawal ng Oil Deregulation na makialam o mag-impluwensya sa presyuhan ng oil companies, ang maaari lamang umano magawa ng Department of Energy (DOE) ay kumbinsihin ang mga kumpanya ng langis na ipagpaliban ang oil price hike dahil sa kalamidad.
Ang DOE ang mayroong monitoring powers at siyang hihiling sa oil companies na ipaalam sa kanila kung mayroong price adjustment kayat nangangahulugan umano na bago pa ang pagtataas ay alam na ng nasabing ahensya ang pagtataas noong Lunes.
Dapat umanong ginawa ng DOE ay nakiusap ito sa mga kumpanya ng langis na mayroong kalamidad ang bansa at hindi pa dapat ipatupad ang taas presyo.
Matatandaan na ang Pilipinas Shell Petroleum at Petron Corp. gayundin din ang independent player na Total Philippines ay nagtaas ng presyo ng regular at premium gasoline ng 80 centavos kada litro gayundin ang diesel at kerosene ng 40 centavos at 30 centavos kada litro.