MANILA, Philippines - Mananatili pa ring madilim ang tahanan ng may kalahating milyon nilang kostumer bunsod ng patuloy pa ring pagbaha sa maraming lugar sa Metro Manila at karatig probinsiya.
Ayon kay Joe Zaldarriaga, External Communication chief ng Meralco, kabuuang 295,000 nilang kostumer sa National Capital Region at 205,000 sa mga probinsiya ng Cavite, Rizal at Bulacan ang pansamantala nilang pinutulan ng kuryente.
Sinabi ni Zaldarriaga, layunin nilang hindi makaaksidente sa mga binahang kostumer nila, kaya minabuti muna nilang patayin ang power supply.
Tiniyak naman ni Zaldarriaga na agad nilang ibabalik ang supply ngkuryente sa oras na humupa ang baha at mainspeksiyon ng kanilang mga maintenance ang lahat ng kanilang mga facility.
Payo ng Meralco sa kanilang mga kostumer na pinasok ng baha ang kani-kanilang mga tahanan na siyasatin munang mabuti ang lahat ng electrical outlet bago muling gamitin upang hindi makadisgraya at pagmulan ng sunog.
“Bukod sa tubig ay pinapasok din ng putik at burak ang outlet ng kuryente na maaaring makadisgrasya sa miyembro ng pamilya, kaya kailangan ay i-check munang mabuti bago gamitin,” ani Zaldarriaga.