LP nagpapalakas na

MANILA, Philippines - Sinimulan na ang pagpapalakas ng Liberal Party (LP) kaugnay sa nalalapit na eleksyon at natakdang magsagawa ng caucus kung saan mismong si Pa­ngulong Aquino ang dadalo sa Malacañang.

Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, hindi lider ng Kamara ang pupulungin ni Pangulong Aquino ngayong ala-1 ng hapon sa Palasyo kundi ang mga miyembro at lider ng LP para sa kanilang party caucus. Naunang napaulat na ipinatawag ng Pangulo ang lider ng Kamara para pag-usapan ang RH Bill na nakatakdang talakayin sa plenaryo bukas (Martes).

Pinapalakas na ni Pangulong Aquino ang LP kaugnay sa May 2013 elections upang masiguro na maging mayorya ang mga kakampi nito sa Kamara at Senado.

Kamakalawa ay nanumpa na ang actor na si Aga Muhlach bilang miyembro ng LP na tatakbong kongresista sa ika-apat na distrito ng Camarines Sur.

Posibleng sumapi na rin sa LP ang pinsan ng Pa­ngulo na si Bambam Aquino na sinasabing tatakbo ding senador sa 2013.

 

Show comments