MANILA, Philippines - Hiniling ng negosyanteng si Joey de Venecia III sa Quezon City Regional Trial Court na ikonsidera ang nauna nitong desisyon na nagbabasura sa kanyang kahilingan na magpalabas ng temporary restraining order para ihinto ng tatlong telecommunications companies ang P1 singil sa bawat text message.
Ito ay makaraang magpalabas ng kautusan ang National Telecommunications Commission (NTC) na nagbabawas ng hanggang P0.80 singil sa bawat text message.
Sa 5-pahinang desisyon ni Judge Ralph Lee ng Branch 83 ng QCRTC, hindi kayang resolbahin ng korte ang petisyon ni de Venecia kaugnay sa pagpapalabas ng TRO dahil sa “lack of jurisdiction.”
Anang legal counsel ni de Venecia, maaaring hindi nakita ng korte ang legal precedent na inihain nilang petisyon kaya’t ang order ni Judge Lee sa “rate-fixing power” ng NTC ay isang quasi-judicial.
Dahil dito, ang naging basehan umano ni Judge Lee sa fee-rate ay kapangyarihan ng lehislatura o ng administrative agency.
“In a previous decision, the Supreme Court has made it clear that jurisdiction falls within the court where the case was filed,” ani de Venecia.
Sa naging desisyon ng SC sa kanilang en banc, ang administrative agencies tulad ng NTC ay may awtorisasyon na atasan ang telcos na sundin ang kanilang kautusan.
Subalit matapos ang anim na buwan ay hindi pinansin ng telcos ang naturang kautusan. (Ricky Tulipat/Butch Quejada)