MANILA, Philippines - Tumaas ng 125 porsiyento ang kaso ng leptospirosis sa nakalipas na pitong buwan.
Sa pinalabas na estatistika ng Department of Health, mula Enero hanggang Hulyo ng kasalukuyang taon ay nakapagtala ang DOH ng 2,002 cases sa buong bansa, kumpara sa 887 na mga tinamaan noong 2011.
Mula naman sa 85 noong nakaraang taon ay tumaas din sa 97 ngayong 2012 ang bilang ng mga namatay sa nabanggit na sakit dahil sa tubig na nagtataglay ng ihi ng daga o iba pang hayop na may leptospirosis.
Naniniwala ang DOH na ang pagtaas ng bilang ng mga nagkaroon ng leptospirosis ay bunsod ng pagbaha na tumama sa siyudad ng Cagayan de Oro at Iligan noong nakaraang Disyembre.
Naitala ang pinakamataas na bilang ng mga nagka-leptospirosis sa Region 10 na may 906 kaso ang kabuuang pasyente. Sumunod ang Region 6, na may 93 cases.
Kapuna-punang sa Metro Manila ay bumaba ang naging biktima ng leptospirosis matapos na makapagtala ng 98 ngayong taon kumpara sa 139 noong 2011.