Indian firm umalma sa 'hot rice'
MANILA, Philippines - Pinabulaanan kahapon ng Amira C Foods, DMCC na gumagawa ito ng anumang iligal gaya ng misdeclaration o pagtatago ng anuman, kasabay ng panawagan sa Bureau of Customs na rebisahing maigi lahat ng documentary evidence na iprinisinta nito at tigilan ang maagang paghusga sa kanila.
“Based on news reports, it appears that the Bureau of Customs is relying on false and incorrect information,” pahayag ng Amira matapos makaladkad sa kontrobersyal na shipment ng Indian rice na umano ay `smuggled’ sa pamamagitan ng Subic Bay Freeport.
Sa pahayag ng Amira sa pamamagitan ng Ongkiko Mahit Custodio and Acorda Law Offices, mahigit 50 taon na ang kompanya bilang seller ng rice products sa mahigit na 40 countries at ‘di ito nag-isip man lang na gumawa ng anumang iligal dahil may reputasyon itong pinangangalagaan. Ang alegasyon umano na ang bigas ay nakatakdang paratingin sa Subic Bay Freeport ay `completely false’. Anang Amira, nakatanggap ito ng order sa Indonesian importer November 2011, na limang cargo ships mula India patungong Indonesia.
Nahuli umano ng dating ang MV Vinalines Mighty na may dala at hindi ito pinayagan na mag-unload sa Indonesia na `original port of destination’.
Umalis ito ng India February 24, 2012 at dumating sa Indonesia March 8, 2012 at nanatili doon hanggang March 27, 2012, kung saan iniisip ng Amira kung maghahanap ng ibang buyer o ipa-reship na lang ang goods pabalik ng India.
Dahil baka masira ang bigas at malaki ang gastos kung ibabalik ito sa India, naghanap ang Amira ng free ports na malapit upang pansamantalang paglagakan ng goods habang di pa tukoy ang final destination, kung saan napili ang Subic Special Economic Zone (Subic SSEZ) sa ilalim ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) dahil sa mababang operating costs ng unloading at warehousing fees.
- Latest
- Trending