Paglipat kay 'Lolong' sa QC inalmahan

MANILA, Philippines - Tinutulan ng mga resi­dente ng Bunawan, Agusan del Sur ang umano’y plano ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ilipat ang higanteng buwaya na si “Lolong” sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center sa Quezon City.

Nabatid na naalarma ang maraming residente ng Bunawan, Agusan del Sur matapos umanong impormahan sila ng kanilang alkalde na si Mayor Edwin Elorde hinggil sa naging pahayag ni Sec. Ramon Paje na mula sa Agusan ay dadalhin si Lolong sa Metro Manila dahil ang naturang buwaya aniya ay pag-aari o  hurisdiksiyon ng national government.

Umalma ang mga re­sidente at sa halip an­yang puntiryahin ni Paje ang paglilipat kay Lolong, ang dapat aniyang una­hin nito ay ang paglilipat nito sa umano’y ilang “bu­waya” sa kanyang nasasakupan.

Tiniyak naman ni Mayor Elorde sa kanyang mga kababayan na tututulan niya ang plano ni Paje, dahil simula aniya na nasa pangangalaga ng pamahalaang local ng Bunawan si Lolong ay umunlad ang ekonomiya ng naturang bayan dahil sa turismo.

Dinadagsa umano ng mga turista  ang kanilang bayan dahil nais ng mga ito na masilayan si Lolong na kamakailan ay iprinoklama ng Guinness Book of World Records bilang pinakamalaking buwaya sa buong mundo.

Show comments