3rd death anniv. ni Cory ginunita
MANILA, Philippines - Hindi naging hadlang ang sama ng panahon sa paggunita ng pamilya Aquino kahapon sa ikatlong anibersaryo ng kamatayan ni dating Pangulong Corazon Aquino na nakahimlay sa Manila Memorial Park sa Parañaque City.
Dakong alas-9:00 ng umaga nang magkakasamang dumating ang magkakapatid na sina Pangulong Aquino, Balsy, Viel at Kris, kasama ang dalawang anak na sina Joshua at James Jr. sa puntod ng kanilang ina.
Nag-alay rin ng misa ang pamilya Aquino sa mga magulang na pinangunahan ni Fr. Catalino Arevalo.
Sa sermon nito, muling ipinaalala nito na biyaya sa Pilipinas ang dating Pangulo dahil sa pagiging instrumento upang maibalik ang demokrasya sa bansa.
Dumalo rin sa misa ang ilang miyembro ng gabinete ng Pangulo, si US Ambassador Harry Thomas at mga kaanak at mga malalapit na kaibigan.
Matatandaan na idineklara ni Manila Mayor Lim noong nakaraang taon ang August 1 na `Corazon C. Aquino Day’ bilang paggunita sa unang babae na naging pangulo ng bansa na nagbalik ng kalayaan ng mga Filipino.
Si dating Pangulong Cory ay pumanaw noong Agosto 1, 2009 dahil sa sakit na colon cancer. (Danilo Garcia/Doris Borja)
- Latest
- Trending