MANILA, Philippines - Hindi pa man tuluyang nakakalabas ng Pilipinas ang bagyong Gener, isang panibagong low pressure area (LPA) ang nagbabanta sa bahagi ng Ilocos Norte na tatawaging Helen kapag ganap na naging bagyo.
Ayon sa PAGASA, namataan ang LPA kahapon ng umaga sa layong 270 kilometro hilagang kanluran ng Laoag City.
Ang LPA ang nagdudulot ng mga pag-uulan sa ibang bahagi ng Luzon partikular sa Metro Manila.
Si Gener ay namataan sa layong 285 kilometro hilagang silangan ng Basco, Batanes taglay ang lakas ng hanging 120 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hanggang 150 kilometro bawat oras.
Ngayong Huwebes, ang bagyo ay inaasahang nasa layong 400 kilometro hilaga hilagang-silangan ng Basco at sa araw ng Biyernes ay inaasahang nasa layong 580 kilometro hilaga hilagang kanluran ng Basco, Batanes o nasa layong 120 kilometro ng hilagang kanluran ng Taipei, Taiwan.
Nakataas pa rin ang babala ng bagyo bilang 2 sa Batanes Group of Islands Calayan Group of Islands,at Babuyan Group of Islands at signal no. 1 sa nalalabing bahagi ng Cagayan at Apayao.