MANILA, Philippines - Dulot nang walang puknat na pag-ulan, umapaw na ang tubig sa Ambuklao at Binga dams sa lalawigan ng Benguet kaya binuksan ang flood gates nito.
Ayon kay Sonia Serrano, hydrologist ng PAGASA, apat na floodgates ng Ambuklao Dam ang binuksan kahapon para sa patuloy na pagpapakawala ng tubig.
Huling naitala ang water level ng dam sa 752.06 meters na bahagyang mas mataas sa normal high level na 752 meters.
Sinabi ni Serrano na sa Binga Dam naman, anim na floodgates din ang nakabukas matapos umabot sa 575.40 meters ang water level na mas mataas kung ikumpara sa spilling level of 575 meters.
Ang tubig na galing sa dalawang dam ay sasaluhin naman ng Binga at ang sobrang tubig ay tutuloy ng Roque Dam sa Pangasinan.
Bukod sa tatlong dam, patuloy pa ring binabantayan ang sitwasyon ng Magat Dam sa Isabela at Ipo Dam sa Norzagaray, Bulacan, na kapwa malapit na rin sa spilling levels.
Nananatili naman ang red alert status sa La Mesa Dam sa Quezon City.