OFW na pupugutan sa Saudi, umapela kay PNoy at Senado
MANILA, Philippines - Umapela kahapon kay Pangulong Benigno Aquino III ang Overseas Filipino Worker (OFW) na nakatakdang bitayin sa Saudi Arabia na iligtas siya sa takdang kamatayan.
Sa kanyang liham sa Pangulo, nagmamakaawa ang OFW na si Rogelio “Dondon” Lanuza, draftsman sa Saudi at may 12 taon nang nakakulong sa Dammam Jail, na maipagkaloob ang agarang tulong ng gobyerno para sa kakulangan ng P35 milyong blood money na hinihingi ng pamilya ng napatay nitong Saudi national bago maging huli ang lahat.
Ayon kay Lanuza, nakatanggap na siya ng liham mula sa Saudi Foreign Ministry na nagbibigay abiso sa pagpapatupad ng bitay sa pamamagitan ng pagpugot sa kanyang ulo sa lalong madaling-panahon kapag nabigong ibigay ng kanyang pamilya ang P35 milyong blood money sa takdang oras.
“Nakatanggap na po kami ng sulat mula sa Saudi Foreign Ministry na ipinag-uutos na ang “pagpugot sa ulo ko” sa lalong madaling panahon kung ‘di po maibibigay ang kagustuhan ng pamilya. Tulungan n’yo po ako,” ani Dondon Lanuza.
Bukod sa apela ni Dondon sa Pangulo, isang hiwalay na “letter appeal” ang ipinadala ng kanyang ina na si Letty sa Senado na humihiling sa mga Senador na sagipin ang kanyang anak.
- Latest
- Trending