MANILA, Philippines - Maituturing umanong ‘patay’ na ang isinusulong na Charter Change o Chacha ng Kongreso matapos mabigong makumbinsi nina House Speaker Feliciano Belmonte at Senate President Juan Ponce Enrile ang Pangulong Noynoy Aquino.
Sa text message na ipinadala ni House Majority leader Neptali Gonzales II, sa ginanap na pagpupulong nina Speaker Belmonte at Senate President Enrile kay Aquino ay nabigo umano ang dalawang mataas na lider ng Kongreso na kumbinsihin ang pangulo sa pagsusulong ng Chacha.
Iginiit umano ng pangulo ang sarili nitong posisyon at pagtutol sa charter change dahil hindi ito kumbinsido na makakatulong sa ngayon ang pag-amyenda ng Economics Provisions para tuluyang mapaunlad ang bansa.
Matapos na mabigong makuha ang suporta ng pangulo ay hiniling umano nina Belmonte at Enrile na mapag-aralan ng Economic Cluster ng gabinete ang mga nais na baguhing economic provisions at ikunsulta ito sa pribadong sektor at stakeholders.
Kaagad naman umanong pumayag ang pangulo sa suhestiyon ng dalawang lider ng Kamara at Senado.