MANILA, Philippines - Kinalampag ng isang whistleblower ang umano’y hindi pag-aksiyon ng Bureau of Customs sa Batangas kaugnay sa utang na buwis ng isang kumpanya.
Pinuna ni Dhess Aclan si Batangas Bureau of Customs District Collector Rene Buenavidez dahil umano sa pagkabigo na singilin ang may P1.4 bilyong utang na excise tax sa gobyerno ng isang oil firm sa 28 importasyon ng Alkylate.
Nauna nang sinampahan ng kaso ni Aclan sa Office of the Ombudsman noong May 16, 2012 sina Finance Secretary Cesar Purisima, Customs Commissioner Ruffy Biazon at Buenavidez.
Ayon kay Aclan, noong makarating sa kaalaman ni Biazon na kinasuhan niya ito ay saka lamang umaksiyon sa pamamagitan ng pagpapadala ng memorandum kay Buenavidez kalakip ang sulat ni BIR Commis-sioner Kim Henares. Pero hanggang ngayon ay wala pa umanong aksiyon.
Aniya, kaya pala laging bagsak at hindi umaabot sa target collection ang BOC ay may kinikilingan umano ang tatlong official sa paniningil at pangongolekta ng buwis sa mga importasyon na dumarating sa bansa.
Iginiit pa ni Aclan, hindi magtatagumpay ang programang ‘tuwid na daan’ ni Pangulong Aquino kung tila tutulug-tulog sa pansitan ang mga opisyal at hindi ginagampanan ng tama ang kanilang trabaho.