Military honor sa 10 sundalo
MANILA, Philippines - Binigyan ng military honor ng Philippine Army ang 10 sundalong nasawi sa madugong engkwentro sa pagitan ng bandidong Abu Sayaff group (ASG) sa Barangay Upper Cabenbeng, Sumisip, Basilan nitong Huwebes.
Ang pagbibigay pugay ay ginawa alas-3 ng madaling araw sa Libingan ng mga Bayani sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Nasawi sa encounter sina Pfcs. Segundiano G. Tamayo, Jr.; Rey C. Evangelista; Arnold D. Coresis; Cleto A. Algayan; Kennith John D. Maribao; Jose Marvin V. Talamante; Mark B. Ocampo; Arwin C. Martinez; Erwin E. Alerta at Cpl. Jerry N. Areglado.
Ayon kay PA chief Lt. Gen. Emmanuel T. Bautista, sa 10 sundalo, lima dito ay dadalhin sa pamamagitan ng C-130 sa Libingan ng mga Bayani. Ito ay sina Pfcs. Talamante, Coresis, Ocampo, Algayan at Martires, habang ang natitira ay dadalhin sa kani-kanilang probinsya.
Sa kasalukuyan, tanging ang pamilya Talamante ang nagpahayag ng kagustuhan na mailibing ang kanilang kaanak sa nasabing sementeryo.
Habang ang lima pa ay pinili na dalhin ang bangkay ng kaanak sa probinsya na karamihan ay sa Mindanao at Visayas.
Kahapon, ang kanilang dependents/beneficiaries ay nakatanggap ng Special Family Assistance mula sa PA at P20,000 naman mula sa Scout Ranger Regiment.
Nauna rito, nagpalabas ng P7.2 million ang PA para sa mga nasawing sundalo, kung saan ang bawat pamilya ay makakatanggap ng halagang P630,000 at P720,000 depende sa kanilang ranggo at haba ng serbisyo.
- Latest
- Trending