Lacson kumita ng P7M sa pagsasa-pelikula ng pagtatago

MANILA, Philippines - Inamin ni Sen. Panfilo Lacson na P7 milyon ang ibinayad sa kaniya para isapelikula ang ginawa niyang pagtatago noong panahon ni da­ting Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Sinabi ni Lacson na posibleng sa Oktubre o Nobyembre pa ipapalabas ang nasabing pelikula pero hindi nito pinangalanan kung sinong actor ang gaganap sa kaniya.

Nang tanungin kung malalaman ba sa pelikula kung saan siya eksaktong nagtago habang pinaghahanap ng batas, sinabi ng senador na puwede namang gawing fiction ang lokasyon sa pelikula.

Unang sinabi ni Lacson ng lumutang siya noong 2011 matapos ang mahigit na isang taong pagtatago na dadalhin niya sa kaniyang hukay ang sekreto sa ginawa niyang pagtatago.

Biglang nawala si Lacson noong Enero 2010 ilang araw bago maipalabas ang warrant of arrest ng Manila court kaugnay sa pagkamatay nina Salvador Dacer at Emmanuel Corbito.

Pero pinawalang bisa ng Court of Appeals ang nasabing warrant of arrest na naging dahilan upang lumutang ulit si Lacson noong Marso 2011.

Inihayag noon ni Lacson na marami siyang natutunan habang nagtatago katulad ng paglilinis ng bahay ng mga taong tumulong sa kaniya at maging pagluluto.

Isa si Lacson sa mga ga-graduate na senador ngayong 15th Congress at hindi pa rin namamatay ang ugong na posibleng italaga ito ni Pangulong Aquino sa DILG.

Ayon kay Lacson wala pa naman siyang natatanggap na alok mula sa Malacañang at excited na rin siyang magpahinga muna sa pulitika.  

Show comments