MANILA, Philippines - Ikinokonsidera pa rin ni dating Pangulo at Pampanga Rep.Gloria Arroyo ang muling pagtakbo sa Kongreso sa 2013 mid-term elections.
Ito ang kinumpirma ni Elena Bautista-Horn, tagapagsalita ni Arroyo matapos ang mainit na pagtanggap ng mga “cabalen” ng dating pangulo ng dumalaw ito sa kanyang mga kababayan sa Pampanga.
Mainit ang naging pagsalubong kay Arroyo ng mga kababayan nito sa Porac at sa hometown nito sa Lubao na nasa ikalawang distrito ng lalawigan.
Dahil dito kayat ayon kay Bautista-Horn ay malamang na muling tumakbo ang dating pangulo bilang kongresista ng ikalawang distrito ng Pampanga.
Sa kabila nito, limitado pa rin umano ang galaw ni Arroyo dahil kailangan pa rin nitong isuot ang kanyang neck brace.
Natapos ang hospital arrest ni Arroyo sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) noong Miyerkules matapos itong payagang magpiyansa ng P1 milyon sa Pasay Regional Trial Court (RTC) para sa kasong electoral sabotage.
Aminado naman ang Malacanang na may karapatan pa rin ang dating pangulo na kumandidato sa 203 elections.
“Well, everybody is free to run in this country and that does not exclude the former President,” ani deputy presidential spokesperson Abigail Valte.