Nominado sa CJ post inaresto ng NBI
MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ng National Bureau of Investigation na inaresto nila kamakalawa ang isang nominado sa pagka-Punong Mahistrado sa Korte Suprema sa Green Hills, San Juan City.
Ayon kay NBI Deputy Director Ruel Lasala, dakong alas-11:00 ng umaga ng isilbi ng NBI-Criminal Intelligence Division ang warrant of arrest kay Atty. Vicente Velasquez dahil sa kasong tax evasion kaugnay sa hindi nabayarang buwis sa Bureau of Internal Revenue mula noong 1981 na nagkakahalaga ng P16,000.
Gayunman, agad ding nakapaglagak ng piyansang P5,000 si Velasquez at nabatid na umaapela naman ito sa pagkakadiskwalipika sa kaniya ng Judicial and Bar Council, na aniya ay hindi niya nakita ang sinasabing resolution for disqualification.
Ang disqualification ay bunga naman ng kabiguan ni Velasquez na makatugon sa documentary requirements na kailangan para sa kanilang aplikasyon.
- Latest
- Trending