MANILA, Philippines - Nagkasundo na ang mga lider ng partido sa Kamara na isalang na sa botohan ang kontrobersyal na Reproductive Health ( RH) bill sa Agosto 7, 2012.
Subalit nilinaw ni House Majority leader Neptali Gonzales na ang pagbobotohan lamang ay kung tatapusin na o itutuloy pa ang debate sa panukalang batas.
Sakali umanong manalo ang boto na itigil na ang debate ay itutuloy na nila ang pagpasok ng mga amendments bago tuluyang palusutin sa second reading. Kung mayorya ng mga kongresista ay magdesisyon na ituloy pa rin ang debate, hindi na ito ikakaledaryo para talakayin hanggang matapos ang 15th congress. Mapipilitan din umano ang Kamara na upuan na lang ang panukalang batas dahil hindi malinaw ang suporta ng mga kongresista kahit pa hayagan na itong inindorso ng Pangulo.
Base sa ulat ng United Nations (UN) ang Pilipinas ang pang-12 sa pinaka malaking populasyon sa buong mundo.