MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ni dating Senator Ernesto Maceda na si dating Sen. Richard Gordon ang ika-10 senatorial candidate ng United Nationalist Alliance (UNA) sa 2013.
Kabilang din sa kandidato ng UNA si Maceda kasama sina re-electionist senators Loren Legarda at Gregorio Honasan, Cagayan Rep. Jackie Enrile, San Juan Rep. Jose Victor Ejercito, Zambales Rep. Mitos Magsaysay, dating Bukidnon Rep. Juan Miguel Zubiri, PDP-Laban secretary general Jose “Joey” de Venecia III at Cebu Gov. Gwen Garcia.
Dahil 10 na ang mga senatorial candidates ng UNA sa 2013, dalawa na lang ang pipiliin sa mga napipisil pang ibang kandidato ng koalisyon.
Ayon kay Maceda, ang mga lider ng UNA ang magdedesisyon kung sino kina Sen. Francis “Chiz” Escudero, Valenzuela Mayor Sherwin Gatchalian, dating Senator Francisco Tatad at anak ni Vice President Jejomar Binay na si Nancy Binay ang idadagdag sa kanilang senatorial candidates.
Inihayag pa ni Maceda na hinihintay pa ng UNA ang desisyon ni Escudero kung mas gugustuhin nitong kumandidato sa kaniyang koalisyon o sa binubuong koalisyon ng Liberal Party.
Nilinaw ni Maceda na hindi nila mako-konsiderang common candidate si Escudero kung magdedesisyon itong kumandidato sa koalisyon ng administrasyon.