CGMA arestuhin uli!
MANILA, Philippines - Nakaka-isang gabing tulog pa lang si Pampanga Rep. Gloria Arroyo sa kanilang bahay sa La Vista, Quezon City matapos pansamantalang makalaya sa pagka-hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center nitong Miyerkoles, muli naman itong ipinapaaresto ng Ombudsman.
Kahapon ay iginiit ng Ombudsman sa Sandiganbayan na magpalabas ito ng warrant of arrest laban kay CGMA dahil naman sa kasong plunder bunga ng umano’y illegal transfer ng pondo sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Nagsampa kahapon ang mga prosecutors mula sa Ombudsman ng isang mosyon na humihiling sa korte na magpalabas ng warrant of arrest laban sa dating pangulo.
Ayon kay Prosecutor Diosdado Calonge ng Ombudsman, ang kasong plunder ay isang non-bailable offense kayat dapat na maghigpit sa kalayaan ni CGMA.
Kaugnay nito, kinuwestyon ng abogado ni Mrs. Arroyo na si Atty. Christian Diaz na ang warrant of arrest ay walang saysay sa ngayon.
Binigyang diin ni Diaz na hindi maaaring makapagpalabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan dahil hindi pa natatapos ang preliminary investigation (PI) ng Ombudsman hinggil sa kaso at may kara patan si Mrs. Arroyo na kumpletuhin ang preliminary investigation bago muling ipaaresto.
Anya, inaresto na si Mrs. Arroyo sa kasong electoral sabotage na nakasampa sa Pasay court bago pa ang preliminary investigation.
Si CGMA ay pansamantalang nakalaya mula sa Veterans hospital noong Miyerkoles matapos payagan ni Pasay RTC Judge Jesus Mupas na makapagpiyansa ng P1 milyon sa kasong electoral sabotage.
Naglabas na rin ang Sandiganbayan ng hold departure order laban kay Arroyo kaugnay ng kaso nitong plunder sa PCSO.
- Latest
- Trending