Piyansa ni GMA sampal sa Aquino administration - Jinggoy
MANILA, Philippines - Maituturing umanong isang sampal sa administrasyong Aquino lalo na sa kampanya nito laban sa korupsiyon ang pagpayag ng korte na makapag-piyansa si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo.
Ito ang sinabi kahapon ni Senate President Pro Tempore Jose “Jinggoy” Estrada kaugnay sa pagpayag ng korte na pansamantalang makalaya si Arroyo habang dinidinig ang kaso nitong electoral sabotage.
Pero ang pagbibigay umano ng korte sa kahilingan ni Arroyo na makapag-piyansa ay isa ring patunay na gumugulong ang hustisya sa bansa hindi katulad noong ito pa ang nakaupo sa Malacañang.
Ipinunto pa ni Estrada na noong makasuhan siya ng plunder sa Sandiganbayan kasama ang kaniyang amang si dating Pangulong Joseph Estrada, inabot ng dalawang taon bago siya pinayagang mag-piyansa kahit wala namang ebidensiya laban sa kanila.
“Ibang-iba ang administrasyon ni Gloria Arroyo dito kay President Noynoy Aquino. Noong nasa puwesto sina Gloria, iyon walang awa talaga,” sabi ni Estrada.
- Latest
- Trending