COMELEC aapela sa Pasay RTC

MANILA, Philippines - Inihahanda na ng Commission on Elections (COMELEC) ang kanilang ihahaing motion for reconsideration sa Pasay City Regional Trial Court para iapela ang pagpayag ng korte na makapagpiyansa si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo (GMA).

Ayon kay Comelec Law Department Director Esmeralda Ladra, posibleng bukas ay maihain na nila ang motion for reconsideration sa sala ni Pasay RTC Branch 112 Judge Jesus Mupas na may hawak ng electoral sabotage case laban kay GMA.

Naniniwala si Ladra na matibay ang kanilang ebidensya laban sa dating pangulo kaya hindi dapat ito pinayagan na makapagpiyansa.

Sa desisyon ng korte, tinukoy ni Judge Mupas na nabigo ang prosekus­yon na patunayan na nakipagsabwatan ang dating Pangulo para dayain ang eleksyon noong Mayo ng taong 2007 kaya nila kinatigan ang inihain nitong motion for bail.

Samantala, sinabi naman ni Justice Secretary Leila de Lima na nakatakda silang magsagawa ng joint meeting kasama ang mga opisyal ng Comelec.

Show comments