MANILA, Philippines - Nagpaabot ng taos-pusong pakikiramay si Pangulong Aquino sa pamilya ng dating Philippine Tourism Authority (PTA) chief at PSN columnist na si Nixon Kua sa pagpanaw nito kamakalawa ng gabi matapos mabaril noong Sabado sa Calamba, Laguna.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, na nakikiramay ang Malacañang sa pamilya ni Kua na pumanaw matapos ang dalawang araw na pagkaratay sa ICU ng Calamba Medical Center sanhi ng tama ng bala sa mukha mula sa apat na suspek na bumaril dito matapos agawin ang bag ng kanyang anak na may lamang P90,000 sa Ayala Greenfields sa Calamba.
Kinilala ni Laguna Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Gilberto Cruz ang sumukong apat na suspek na sina John Rey Cortez, 21; Noel Garcia, 2; Darwin Saniano, 21 at Michael Molino, 21.
Sinisilip na ng mga awtoridad ang posibleng anggulo ng inside job kaugnay ng landscaping na ipinagagawa ni Nixon sa kaniyang bahay na ilang bloke lamang ang layo sa tahanan ng kapatid nitong si Allyson na nasugatan din sa insidente.
Ang nasabing P90,000 na dala nina Nixon ay pang payroll money nito sa kaniyang mga trabahador kung saan posible umanong may nag-tip sa mga suspek na may dala itong pera kapag Sabado kaya pinag-interesan ng mga ito ang naturang pera.
Inaalam na rin sa kontraktor ng landscaping kung kabilang ang mga suspek sa na-hire na trabahador dito. Dalawa pang trabahador na tubong Quezon at Bicol ang pinaghahanap dahil may ilang araw ng hindi nagrereport sa trabaho.
Bukod sa kaso ng pagpatay kay Kua, nabatid na mayroon ding nakabimbing warrant of arrest ang mga suspek na walang inirekomendang piyansa kaugnay ng gang rape sa isang menor de edad.
Ang mga suspek ay positibong kinilala ng misis ni Kua na si Susan.
Tinurnover na sa Regional Office ng C IDG ang apat para sa pagsasampa ng kaso. (Rudy Andal/Joy Cantos)