MANILA, Philippines - Inatasan ng Malacañang ang pulisya na arestuhin sa lalong madaling panahon ang apat na suspek na responsable sa pagbaril sa columnist na si Nixon Kua at kapatid nito na si Alixon kamakalawa ng gabi sa Laguna.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, inatasan ni Pangulong Benigno Aquino III si PNP chief Nicanor Bartolome na magsagawa ng agarang imbestigasyon at follow-up operation upang madakip ang mga nasa likod ng pamamaril sa magkapatid na Kua na ngayon ay kapwa nasa kritikal pang kalagayan sa pagamutan.
Ayon kay Usec. Valte, hangad din ni Pangulong Aquino ang kaligtasan at mabilis na recovery ng magkapatid.
Binaril ng apat na sinasabing mga holdaper ang magkapatid na Kua sa exclusive subdivision na Ayala Greenfield Makiling Highland, Brgy. Maunong, Calamba City bandang alas-8:00 ng gabi noong Sabado.
Si Nixon ay dating administrator sa Philippine Tourism Authority (PTA) noong panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada at kasalukuyang columnist ng Pilipino Star Ngayon (PSN) at Pang Masa (PM).
Mabilis na tumakas ang mga suspek tangay ang handbag ng anak ni Nixon na si Sue Anne Kua, 21, na naglalaman ng P90,000 cash at isang Apple i-Phone.
Itinaas na rin ng PNP sa P200,000 cash reward sa sino mang makakapagbigay ng impormasyon sa mga awtoridad para sa mabilis na pag-aresto sa mga suspek.
Sa progreso naman ng imbestigasyon, tinukoy ni PNP Spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., ang tatlo sa apat na suspek na sina John Rey Cortez, Darwin Saminiano at Noel Garcia.
Ang mga suspek ay positibong kinilala ng iba pang miyembro ng pamilya Kua na nakakita sa pamamaril kina Nixon at Alixon.