MANILA, Philippines - Nararapat lang silipin ang mga nagaganap na “kalokohan” sa Harbor Center sa Manila dahil labis-labis na panganib umano ang nakaamba sa mga komunidad na nakapaligid dito pati na ang karagatan ng Manila Bay kung saan ay nakatambak ang gabundok na mga uling o coal.
Sinulatan na ni Agham party list Rep. Angelo Palmones ang ilang ahensya ng pamahalaan tulad ng DENR, DILG, SC, DOE, at iba pa para magsagawa ng mga kaukulang pagsisiyasat.
Pinangangambahan na baka magkaroon ng pagsabog at sunog dahil ang coal ay isang highly combustible substance. Kinatatakutan ding lumaganap ang sakit sa baga at respiratory system dahil sa ashfly galing sa uling na sumasama sa hangin.
Nararapat ding masilip ang aspeto ng tamang pagbabayad ng buwis, ang sabi naman ng ilang environmental groups.
Lupa raw kasi ng gobyerno, sa ngalan ng Home Guaranty Corporation (HGC), ang pinagtambakan ng uling at iron ore.
Una ng sinabi ni Palmones na ang pagtatambak ng basura sa kapaligiran ng Manila Bay, tulad ng Harbor Center, ay sumasalungat sa writ of continuing mandamus ng Korte Suprema na inilabas para pangalagaan ang yamang dagat ng Manila Bay, ngunit ito ay nasalaula lamang ng nasabing tambakan ng uling.