MANILA, Philippines - Nakatakdang imbestigahan ng Kamara ang umano’y “depektibong” E-passport bunsod na rin ng report na madali itong mapunit na posible pang maging dahilan ng forgery o pamemeke na maaaring maikompromiso ang pambansang seguridad.
Sa isang radio interview, sinabi ni Bayan Muna Rep. Teodoro Casiño na kinakailangan nang pormal na maimbestigahan ng Kamara ang sinasabing anomalya kung saan partikular na apektado dito ay ang mga OFWs.
“Siguro it’s about time na imbestigahan na ito formally ng Kongreso dahil hindi matigil tigil ang mga usapin diyan. We have to get to the buttom of this,” pahayag ng Kongresista
“Grabeng abala yan sa ating OFWs lalo na yung may mga hinahabol na deadline. Malamang dyan maraming hindi nakatuloy sa kanilang pinagtatrabahuhan dahil walang mga dokumento,” banggit pa nito
Ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Department of Foreign Affairs (DFA) ay naglunsad ng E-passport project noong Agosto 2009. Ang Oberthur technologies ang nanalo sa bidding na kinakatawan ng Sinophil Greater Solutions Inc.
Kumbinsido si Casiño na kinakailangang matiyak ng Kongreso na dumaan sa tamang proseso ang anumang kontrata na may kinalaman sa pasaporte dahil sila ang nagbibigay ng pondo sa mga naturang ahensiya
Bunsod nito, binigyang diin ng Kongresista na may kapangyarihan ang gobyerno na kanselahin ang kontrata at maaaring muling magsagawa ng bidding.