MANILA, Philippines - Magpapatuloy pa ang kalbaryo ng mga motorista ngayong linggo matapo ianunsiyo ng Department of Energy (DOE) ang panibagong pagtataas sa presyo ng petrolyo sa bansa.
Sinabi ni Oil Industry Management Bureau Director Zenaida Monsada, posibleng pumalo sa P1.30 kada litro ang itataas sa halaga ng gasolina habang P0.50 sentimos sa kada litro ng diesel.
Ang patuloy na kaguluhan sa mga bansang Syria at Iran ang dahilan umano upang sumirit na muli pataas ang presyo nito sa internasyunal na pamilihan.
Dahil dito, inaasahan ang posibleng pagbuhay ng grupo ng pampublikong transportasyon sa kanilang petisyon na dagdag pasahe sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa halip na magbawas ng pasahe.
Noong nakaraang linggo ay nagpataw ng dagdag presyo ang mga kompanya ng langis matapos ang sunod-sunod na rollback na kanilang ipinatupad makaraang sumadsad ang halaga ng langis sa internasyunal na merkado.