PSN columnist binoga, kritikal
MANILA, Philippines - Nasa kritikal na kondisyon ngayon sa ospital ang veteran journalist at kolumnista ng Pilipino Star Ngayon (PSN) na si Nixon Cua at kapatid nitong lalaki makaraang pagbabarilin ng apat na armadong lalaki sa lalawigan ng Laguna, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Senior Supt. Gilbert Cruz, provincial director ng Laguna PNP, patuloy na inoobserbahan sa intensive care unit (ICU) ng Calamba Medical Center si Kua, 49, habang sugatan din ang kapatid nitong si Allyxon, 46, pawang mga residente ng Ayala Greenfield Makiling Highland, Brgy. Maunong, Calamba City. Si Nixon ay dating administrator sa Philippine Tourism Authority (PTA) noong panahon ni dating Pangulong Estrada.
Ayon sa ulat, si Nixon ay nagtamo ng tama ng bala sa mukha at iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan, gayundin ang kanyang kapatid na nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan.
Mabilis na tumakas ang mga suspek tangay ang handbag ng anak ni Nixon na si Sue Anne Kua, 21, na naglalaman ng P90,000 cash at isang Apple i-Phone.
Nangyari ang insidente sa pinagagawa umanong bahay ng kapatid ni Nixon sa Calamba, Laguna ganap na alas-8 ng gabi.
Sinasabing papunta sa bahay ng kanyang kapatid si Nixon nang biglang sumulpot ang apat na armadong lalaki, kung saan isa sa mga ito ang biglang pinagbabaril ang kolumnista.
Kasalukuyang naghihintay naman kay Nixon ang kanyang utol at nang makita ito ng isa sa mga suspek ay pinagbabaril din.
Habang ang isa sa mga suspek ay biglang hinablot ang dalang bag ng anak ni Nixon.
Ayon pa sa pulisya, kalibre .40 o .45 ang ginamit ng mga suspek sa pamamaril.
Samantala, naglaan na ng P100,000 reward money ang Laguna-PNP para sa ikadarakip ng mga salarin.
Bumuo na rin ng Task Force Nixon para sa agarang pagresolba sa pamamaril kay Kua.
Samantala, nagpahayag naman ng pagkadismaya sa estado ng peace and order ang National Press Club (NPC) matapos isa na namang kasapi ng media ang nabiktima sa isang “highly-secured subdivision” sa Calamba City, Laguna.
“Bagaman laging handa ang NPC na tumulong sa kampanya ng gobyerno laban sa krimen, lubhang nakababahala na ang sitwasyon kung saan isa na namang kasapi ng media ang nabiktima ng mga armadong kriminal,” ayon kay NPC president, Benny Antiporda.
Bagaman nagbigay na ng pagtitiyak sina Calabarzon police director, Chief Supt. James Melad at Laguna PNP provincial director Senior Supt. Gilbert Cruz, kay NPC director, Paul Gutierrez na “nakatutok” na ang ating kapulisan sa kaso at mayroon na silang mga “leads,” ang agarang pagkahuli sa mga suspek ang kukumbinsi umano sa NPC sa sinseridad ng kanilang sinasabi.
Aniya pa, ito ang ikalawang insidente sa nakaraang 2 linggo kung saan kasapi ng media ang nabiktima ng mga elementong kriminal.
Matatandaan na naging biktima rin si ABS-CBN reporter Jay Ruiz ng “limasin” ng mga magnanakaw ang laman ng kanyang bahay sa loob din ng isang “highly-secured subdivision” sa Quezon City.
- Latest
- Trending