Singaporean timbog sa P15M shabu sa NAIA
MANILA, Philippines - Isang Singaporean national ang nadakip ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Customs (BoC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos mahulihan ng 3.5 kilo ng high grade shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P15 million sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1 sa Pasay City, kamakalawa ng gabi.
Sa report na natanggap ni BoC Commissioner Ruffy Biazon mula kina Customs District Commander Marlon Alameda; Byron Carbonell at Regino Tuason, legal and investigation ng Customs police sa NAIA, kinilala ang suspek na si Danny Boon Eng-Ng, 32-anyos.
Dakong alas-7:30 gabi dumating ang suspek sakay ng Thai Airways, na may flight number TG-624 na nagmula sa Bangkok, Thailand.
Napansin ang kahina-hinalang kilos nito dahilan para mag-inspection ang mga tauhan ni Biazon, PDEA at NAIA personnel.
Nang inpeksyunin ang kanyang itim na luggage ay may nakita ritong pulbos na nagkalat at tumambad sa kanila ang droga.
Kaagad na dinakip ang dayuhan at sa interogasyon ng mga awtoridad, inamin nito na courier siya ng isang drug syndicate kasama ang isang babaeng Tibetan national.
Ang nasabing droga ay dadalhin sa hindi pinangalanang hotel kapalit ang hindi mabatid na halaga.
Sinabi ni Eng na may sasalubong sa kanya sa arrival extension at hindi naglaon ay may lumapit na isang Tibetian national.
Agad dinakma ang sumundo kay Eng at mabilis na ibinigay sa PDEA ang dalawa para sa isang masusing imbestigasyon.
Pinapurihan naman ni Biazon ang kanyang mga tauhan dahil sa matagumpay na anti-drug operation ng mga ito.
- Latest
- Trending