MANILA, Philippines - Nilinaw ng kinatawan ng mga bus operators sa Central at North Luzon na ang naging ruling sa award ng Pantranco franchises ng Court of Appeals ay simpleng ruling lamang para sa validity ng prangkisa nito.
Ayon kay Atty. Hazel Minoza, mali ang interpretasyon ng mga manggagawa na ang hindi pagkakaloob ng TRO ng CA ay nangangahulugan na agad ng validity ng prangkisa ng Pantranco.
“The two workers group, the PANREA and PEA, should respect the CA and cease and desist from making such irresponsible statements,” wika ni Atty. Minoza.
Aniya, malinaw na ang ruling ng CA ay nag-aatas sa petitioners na magsumite ng mosyon para sa susunod na hakbang nito kung saan ay tatalakayin ng appellate court kung valid o hindi ang prangkisa.
Magugunita na inutos ni DOTC Sec. Mar Roxas noong June 27 ang suspension ng pagkakaloob ng prangkisa ng LTFRB kasunod ang imbestigasyon sa legalidad ng pagkakaloob nito ng prangkisa sa Pantranco.
Dalawa sa board member na sina Manuel Iway at Samuel Garcia, na nag-aprub ng award para sa 489 linya ng defunct Pantranco North Express Inc. sa 5 bus companies na pag-aari ng mga Hernandez ay agad nagbitiw matapos iutos ni Roxas ang imbestigasyon.