MANILA, Philippines - Itinaas na ng Philippine National Police (PNP) sa full alert status ang buong puwersa nito upang tiyakin ang kaayusan at seguridad sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino bukas.
“Effective 12 noon Sunday, the PNP will go on full alert status for the President SONA on Monday (July 23),” pahayag ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome.
Nasa 6,000 pulis ang idedeploy bukod pa sa standby forces ng PNP habang mahigit 500 sundalo mula sa 7 teams ng Civil Disturbance Management (CDM) na isinalang na sa human rights seminar ang handa ring ipakalat ng Joint Standing Task Force–NCR ng AFP.
Mahigpit na babantayan ang kahabaan ng Commonwealth Avenue patungong Batasan Complex sa Quezon City kung saan idaraos ang SONA gayundin ang bisinidad ng Mendiola malapit sa Malacañang.
Bantay sarado rin ng PNP ang mga pro at anti SONA demonstrators upang maiwasan ang mga bayolenteng insidente. Paiiralin ng PNP ang ‘no permit, no rally policy’ sa SONA at maximum tolerance.